Camille, Namamangka Sa Dalawang Dagat?

Ah, si Camille Villar — ang reyna ng multitasking sa politika! Habang nagpapasikat sa Alyansa slate ng administrasyon, biglang may pa-smile at pa-endorso kay Inday Sara. Aba’y parang namamangka sa dalawang ilog na may hawak pang milk tea sa isang kamay at campaign flyer sa kabila.

Kung may loyalty card sa politika, baka platinum member na siya. Pero teka, endorsement nga ba o paid ad? Nagtataka lang kami kung may resibo o GCash QR code sa likod ng campaign poster. Sa sobrang flexible ni Ate, baka siya na ang inspirasyon ng bagong yoga pose: Downward Facing Trapo.

Habang ang ibang kandidato ay nagpapakahirap sa kampanya, si Camille chill lang, parang nagsho-shopping sa Vista Mall ng political alliances. Kaya naman tanong ng madla: prinsipyo ba ’yan, o promo lang? Isa lang ang sigurado—sa dami ng ilog na pinamamangkahan niya, baka magtayo na ng sariling ferry system! O baka kaya floating Camella Homes?

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.